Tuesday, February 28th, 2006
minsan hinahanaphanap mo ang mga haplos ng isang kamay na puno ng kalyo, pasmado. dahandahan paglalakbayin ang mga palad sa kaniyang mga kamay. mag-aalala ka kapag dadating sa bahaging tampukan ng papel de liha.
madalas na sumagi sa isipan mo na malaki ang ipinupunto ng iyong kaibigan sa kaniyang tula ng pag-ibig. na mas gugustuhin pa niyang umiibig sa isang pahinante ng tubig o sa construction worker, mas inaasam na makatanggap ng isang bungkos na talong kaysa sa rosas na balot ng tinik.
sa tinagal-tagal na ma-untog sa tuwing pumapasok ka sa dyip, masilayan mo muli ang kaniyang mga matang matapang hanggang ngayon umaasa ka pa rin. ano nga bang esensiya ng pag-upo mo sa tapat niya, kung ikaw naman ay hindi makatingin ng diretso. bagamat hindi ka nakakatangap ng kangkong o rosas mula sa kaniya, hindi mo alam kung alin sa dalawa ang ibibigay niya, o kung bibigyan ka niya. hanggang sa isang sulyap lang sa mata ang kaya mong tingnan. ni hindi mo nga nasuri kung ang kaniyang mga kamay ay makinis o tadtad ng sugat o kalyo.
hindi mo pa na hahahawakan ang kaniyang mga kamay. hindi pa. dahil abala siya sa pagladlad ng pulang damit. dahil para sa kaniya, hindi ito dapat habang buhay na nakatupi’t nakatago, kundi habang buhay na suot hanggang kamatayan.
sang-ayon ka sa kaniya, ngunit hindi niya iyon alam. kailanman ay wala kang lakas ng loob na ipahiwatig ito dahil kailanman ay hindi pa kayo nag-uusap. siguro kung magiging lalaki ka ay ikaw na ang pinaka-torpe sa lahat.
ngayon mo lang naunawaan na kailanman ay hindi mangyayari na magkapit kamay kayo.
ngayon ay pilit mong kinukubli ang nagpupumilit makawala diyan sa damdamin mo.
sa tinagal-tagal mong nauntog sa dyip, ngayon mo lang naunawaan.