dikta
lahat ay tumatakbo nang walang kapaguran:
piyesa na nagbubuo ng makina,
makina na namumuo ng produkto,
tao na dapat siyang nagpapatakbo ng makina.
ayon sa itim na aklat ng pabrika:
ang manggagawa’y ka-uri ng mga makina,
kung kaya’t sila’y pinatatakbo ng iisang panginoon.
ang karipas ng bawat kamay ng orasan,
ang mga pulang ekis na tumataklob
sa bawat numero ng kalendaryo
ang siyang nag-uutos sa marupok na katawang
tagos sa damit ang maalat na pawis.
nakita ko nang yurakin ng mga makina
ang mga kapwa kong nilalang na siyang bumuo sa kanila,
karahasan daw na nagdulot sa pagsuway mula sa dikta ng kapangyarihan.
tanging alingawngaw ng pag-kontrol ang nagdudulot
sa akin upang humikbi sa gitna ng duguang kaharian ng mga bakal.
nararapat na ngang baklasin ang dalitang sumusukob dulot ng pananamantala.